Tanghali noon, pero hindi maaninag ang araw. Nagsimula ang Dark Day ng New England mula umaga ng Mayo 19, 1780, at inabot nang ilang oras. Ang dahilan ng kadilimang iyon ay ang makapal na usok galing sa malaking wildfire sa Canada, pero marami ang nag-iisip na baka iyon na ang araw ng paghatol.
May sesyon sa senado ng Connecticut at nang may nakaisip na huminto na sila dahil sa dilim, sumagot si Abraham Davenport, “Ayokong tapusin ang sesyon. Puwedeng parating nga ang araw ng paghatol, puwede ring hindi. Kung hindi, walang dahilan para tumigil tayo; kung oo, pipiliin kong abutan ako n’on nang ginagawa ko ang trabaho ko. Magsindi na lang ng mga kandila.”
Ang kagustuhan ni Davenport na maabutan siya ng pagbabalik ng Dios habang tapat niyang ginagawa ang trabaho niya, ay naglalarawan ng mga salita ni Jesus: “Maging handa kayo palagi sa pagbabalik ng inyong Panginoon, katulad ng mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang amo mula sa kasalan ... Nakasindi ang mga ilawan nila, upang sa pagdating at pagkatok ng amo nila ay mabubuksan nila agad ang pinto. Mapalad ang mga aliping madadatnan ng amo nila na gising at nagbabantay sa kanyang pag-uwi” (Lucas 12:35-37).
Araw man o gabi, mabuting maglingkod sa ating Tagapagligtas. Kahit makialam ang dilim, mananatili ang pangako Niya sa mga umaasam sa Kanyang pagbabalik. Gaya ng mga kandila sa dilim, nawa ay “pagliwanagin ninyo ang inyong ilaw sa mga tao, upang makita nila” (Mateo 5:16) at mahalin at maglingkod din sila sa Kanya.