Ang Denmark ay isa sa pinakamasasayang bansa sa mundo, ayon sa World Happiness Report. Hinaharap ng mga tagaroon ang mahahaba at madidilim na taglamig sa pamamagitan ng sama-samang pagkain o pag-inom ng mainit na inumin. Ang salitang ginagamit nila para sa emosyong kaugnay ng mga sandaling iyon ay hygee (hoo-gah). Tinutulungan sila ng hygee para gumaan ang epekto sa kanila ng mas kaunting liwanag ng araw na nakukuha nila, kumpara sa nasa ibang bansa. Sa pamamagitan ng pagpalibot sa isang simpleng mesa kasama ang mga mahal sa buhay, natutuwa na ang mga puso nila.
Hinihikayat tayo ng nagsulat ng Hebreo na magsama-sama bilang isang komunidad. Alam niyang may mga araw na ang mga pagsubok ay mas makabuluhan kaysa sa panahon—nangangailangan na magtiyaga tayo sa pananampalataya. Kahit siniguro na ni Jesus ang pagtanggap ng Dios sa atin dahil sa pananampalataya natin sa Tagapagligtas, maaaring nakikibaka pa rin tayo sa hiya, o duda, o tunay na oposisyon.
Sa pagsasama- sama, mayroon tayong pribilehiyong mapalakas ang isa’t isa. Kapag may kasama tayo, kaya nating “mahikayat ang isaʼt isa sa pagmamahalan at sa paggawa ng kabutihan,” na magpapalakas sa ating pananampalataya (Hebreo 10:24).
Ito ay isang paraan para makayanan natin ang mga kabiguan sa buhay. Napakagandang rason para hanapin ang isang komunidad, o kaya buksan ang ating tahanan para pasayahin ang puso ng bawat isa.