Dumating ako sa cancer care center na nag-iisa at natatakot. Iniwan ko ang pamilya ko mahigit 1200 km ang layo sa akin, para magsilbing stay-in caregiver ng aking ina. Pero bago ko pa mahawakan ang maleta ko, tinulungan na ako ng nakangiting si Frank. Nang makarating kami sa 6th floor, plano ko nang bisitahin ang asawa niyang si Lori na nag-alaga sa kanya noong nagpapagaling siya.
Hindi nagtagal, naging parang kapamilya ko na ang mag-asawa, nagtiwala kami sa Dios at sa isa’t isa. Nagtawanan kami, naghingahan ng sama ng loob, nag-iyakan, nanalangin nang magkasama. Kahit pakiramdam namin wala kami sa lugar na dapat kinaroroonan namin, ang koneksyon namin sa Dios at sa isa’t isa ang naging dahilan kaya nanatili kaming nakaugat sa pag-ibig habang nagtutulungan kami.
Noong magdesisyon si Ruth na alagaan ang biyenan niyang si Naomi, iniwan niya ang lahat ng pamilyar sa kanya. “Umalis si Ruth at namulot ng mga nalaglag mula sa mga tagapag-ani” (Ruth 2:3). Sinabi ng katiwala kay Boaz na may-ari ng lupa, na mula umaga ay “tuloy-tuloy” ang pagtatrabaho ni Ruth at “nagpahinga lang nang sandali” (Tal. 7). Nakahanap si Ruth ng isang ligtas na lugar kasama ang mga taong handang mag-alaga sa kanya, kung paano niya inaalagaan si Naomi (Tal. 8-9). At sinustentuhan ng Dios sina Ruth at Naomi sa pamamagitan ng pagkamapagbigay ni Boaz (Tal. 14-16).
Maaaring magbigay ang buhay ng mga di-inaasahang lugar na malayo sa kinasanayan natin. Habang nananatili tayong nakakonekta sa Dios at sa isa’t isa, pananatilihin Niyang nakaugat tayo sa pag-ibig habang sinusuportahan ang isa’t isa.