Noong 1970, nalaman ng isang car executive na bumibisita sa Denmark na isang lokal na residente ang nagmamay-ari ng isang 1939 Buick Dual Cowl Phaeton. Dahil hindi naman talaga nagkaroon ng maramihang produksyon iyon, mahirap iyong hanapin. Binili ng executive ang kotse at naglaan siya ng oras at pera para ayusin iyon. Sa ngayon, ang kakaibang kotseng ito ay tampok sa isang kilalang koleksyon ng mga sasakyan.
Iba-iba ang anyo ng mga natatagong kayamanan, at sa Aklat ng 2 Cronica, nabasa natin ang tungkol sa pagkatuklas din ng isang nawawalang kayamanan. Matapos ang 18 taon ng paghahari sa Juda, pinagawa ni Josia ang templo sa Jerusalem. At dahil doon, natagpuan ng paring si Hilkia ang “Aklat ng Kautusan” sa templo (2 Cronica 34:15). Doon nakasulat ang unang limang libro ng Lumang Tipan, at malamang itinago iyon sa loob nang maraming dekada para hindi makita ng mga mananakop na kalaban. Pero sa tagal ng panahon, nalimutan na lang iyon.
Nang malaman iyon ni Haring Josia, naisip niya ang kahalagahan niyon. Pinatawag niya ang lahat ng mga tao at binasa ang buong aklat para mangako sila na susundin ang lahat ng nakasulat doon (Tal. 30-31).
Mahalaga pa rin ito ngayon. At isang kamangha-manghang biyaya na maaari nating basahin anumang oras ang lahat ng 66 na aklat ng Biblia, na isang kayamanang may di-masukat na halaga.