Tinatayang sampung piraso ng Lego ang naibebenta sa bawat tao sa buong mundo kada taon—halos 75 bilyong maliliit na plastic. Pero kung hindi sa pagtitiyaga ng Danish na si Ole Kirk Christiansen, wala sanang Lego.
Nagtrabaho si Christiansen sa loob ng maraming dekada bago niya nabuo ang Leg Godt, na ang ibig sabihin ay “maglaro nang maige.” Dalawang beses nasunog ang pagawaan niya. Pinagdaanan niya ang pagkalugi at isang pandaigdigang giyera na nagresulta sa kakulangan sa materyal. Sa huli, bago matapos ang taong 1940s, nabuo niya ang ideya ng Lego. Nang mamatay si Ole Kirk noong 1958, papasikat na ang pangalang Legos.
Mahirap ang maging matatag sa gitna ng mga hamon sa trabaho at buhay. Totoo rin iyan sa buhay-ispirituwal natin, sa pagsisikap nating maging mas kagaya ni Jesus. Dumadating ang problema, at kailangan natin ang lakas ng Dios para manaig. Isinulat ni Santiago, “Mapalad ang taong nananatiling matatag sa kabila ng mga pagsubok” (Santiago 1:12). Minsan problema sa relasyon o pinansyal o kalusugan ang kinakaharap natin. Minsan, mga tukso ang nagpapabagal sa layunin natin na bigyang-parangal ang Dios sa buhay natin.
Pero nangangako ang Dios ng karunungan para sa ganitong panahon (Tal. 5), at hinihingi Niya na magtiwala tayo na ibibigay Niya ang kailangan natin (Tal. 6). Kapag hinayaan nating tulungan tayo ng Dios para magsumikap sa pagbibigay-parangal sa Kanya, nahahanap natin ang tunay na biyaya (Tal. 12).