May nananalanta sa mga halaman ko. Noong nakaraan, ang gaganda ng mga bulaklak niyon, pero ngayon, puro sanga na lang ang naiwan. Inikot ko ang bakuran ko at nadiskubre ko ang isang butas sa kahoy na bakod, kasinlaki ng kuneho. Cute ang mga kuneho, pero kaya nilang ubusin ang buong hardin ng bulaklak sa loob lang ng ilang minuto.
Napaisip ako, baka may mga ‘magnanakaw’ din na kumukuha ng mga bunga ng karakter ng Dios sa buhay ko? Sinasabi ng Kawikaan 25:28, “Ang taong walang pagpipigil sa sarili ay madaling bumagsak gaya ng isang bayan na walang pader.” Noong araw, pinoprotektahan ng pader ang lungsod mula sa paglusob ng mga kalaban. At ang isang maliit na butas sa pader ay nangangahulugan na bukas ang siyudad sa mga pag-atake.
Maraming kawikaan tungkol sa pagpipigil sa sarili. Ito ay bunga ng Espiritu na nagpoprotekta sa atin mula sa kawalan ng pasensya, kapaitan, kasakiman, at iba pang peste na maaaring manloob at manira ng mga ani ng Dios sa ating buhay (Tingnan ang Galacia 5:22-23). Ang pagpipigil sa sarili ang nagtitingin sa mga butas sa pader ng ating buhay at nagsasaayos ng mga iyon.
Kapag iininspeksyon ko ang bakuran ng buhay ko, minsan may nakikita akong mahihinang parte. Isang bahagi kung saan natutukso ako palagi. Isang lugar ng kawalang-pasensya. Kailangan ko talaga ng pagpipigil sa sarili para bantayan ako mula sa mga magnanakaw na iyan!