Minsang nanatili ako at ang asawa ko sa isang magandang hotel sa tabi ng dagat. May malalaki itong bintana at makakapal na batong pader. Isang hapon, dumaan ang bagyo doon, binulabog ang dagat at parang mga kamaong sumusuntok sa bintana ang hampas ng tubig. Pero payapa kami. Sobrang tibay ng mga pader, at matatag ang pundasyon ng hotel! Habang nagngangalit ang bagyo sa labas, ang kuwarto namin ang kanlungan.
Importanteng tema sa Kasalulatan ang kanlungan, nagsimula ito sa Dios mismo. “Ikaw ang takbuhan ng mga dukha,” sabi ni Isaias sa Dios. “Ikaw ang kanlungan sa panahon ng bagyo” (Isaias 25:4). Bukod diyan, ito ay isang bagay na dapat inilalaan ng mga anak ng Dios, sa pamamagitan man ng mga lungsod ng tanggulan (Bilang 35:6) o pagpapatuloy sa mga dayuhang nangangailangan (Deuteronomio 10:19).
Ganito rin ang prinsipyo na ang gagabay sa atin ngayon kapag dumarating ang mga krisis sa mundo. Sa mga ganitong panahon, nananalangin tayo na gamitin ng Dios na kanlungan ang Kanyang bayan para tulungan ang mahihina na makahanap ng ligtas na lugar.
Wala na ang bagyong tumama sa hotel kinabukasan, naiwan sa amin ang isang kalmadong dagat at mainit na araw. Isang imahe ito na pinanghahawakan ko habang iniisip ang mga humaharap sa likas na sakuna o tumatakas sa “malulupit” na pamumuno (Isaias 25:4). Palalakasin tayo ng Dios ng kanlungan para matulungan natin silang makahanap ng kaligtasan ngayon, at magkaroon ng maliwanag na bukas.