Noong sumabog ang mga gusali ng World Trade Center noong Setyembre 11, 2001, isa si Greg Rodriguez sa mga namatay na biktima. Kahit nagluluksa, iniisip din ng nanay niyang si Phyllis ang magiging tugon sa nakakakilabot na pag-atake. Noong 2002, nakilala ni Phyllis si Aicha el-Wafi, ang ina ng isa sa mga inaakusang tumulong sa mga terorista. Sinabi ni Phyllis na “Nilapitan ko siya at niyakap. Nagyakapan kami at nag-iyakan. Para sa amin, pareho kaming nagdusa dahil sa mga anak namin.”
Naniniwala si Phyllis na angkop lang na magalit siya sa pagkamatay ng kanyang anak, pero hindi niyon magagamot ang pagdadalamhati niya. Habang nakikinig sa kuwento ng pamilya ni Aicha, nahabag siya at nilabanan niyon ang tukso na ituring niya itong kalaban. Gusto niya ng hustisya, pero naniniwala siyang dapat nating bitawan ang kagustuhang maghiganti na madalas humahawak sa atin kapag may nakagawa nang masama sa atin.
Binahagi ni apostol Pablo ang paniniwalang ito at pinaalalahanan niya tayo na “alisin ... ang anumang samaan ng loob, galit, pag- aaway, pambubulyaw ... pati na ang lahat ng uri ng masasamang hangarin” (Efeso 4:31).
Habang binibitawan natin ang mga nakakasirang kapangyarihan na ito, pupunuin tayo ng Espiritu ng Dios ng bagong pananaw. “Maging mabait kayo at maawain sa isa’t isa,” sabi ni Pablo (Tal. 32). Posible na ayusin ang mga mali habang tinatanggihan ang paghihiganti. Tulungan nawa tayo ng Espiritu para maipakita ang awa na kayang dumaig sa kapaitan.