Sumisisid si Michael para maghanap ng lobster nang mahuli siya ng bibig ng isang balyena. Nagpipisag siya sa dilim habang pinipiga ng mga kalamnan ng isda. Naisip niyang iyon na ang katapusan niya. Pero ayaw pala ng mga balyena sa mga manghuhuli ng lobster, at pagkatapos ng 30 segundo, iniluwa siya nito sa ere. Nakakamangha, walang nabaling buto kay Michael—mga pasa lang ang nakuha niya at isang kuwento ng balyena.
Hindi siya ang una. Nilulon si Jonas ng “isang malaking isda” (Jonas 1:17), at nanatili siya sa tiyan niyon nang tatlong araw bago siya iniluwa sa lupa (1:17, 2:10). Hindi gaya ni Michael, hindi aksidente ang pagkalulon kay Jonas. Nangyari iyon dahil galit siya sa mga kaaway ng Israel at ayaw niyang magsisi sila. Nang sabihin ng Dios kay Jonas na mangaral sa Nineve, sumakay siya ng barkong papunta sa kabilang direksyon. Kaya nagpadala ang Dios ng malaking isda para kuhanin ang atensyon niya.
Naiintindihan ko kung bakit galit si Jonas sa mga taga-Asiria. Pinahirapan nila noon ang Israel, at sa loob ng 50 taon, kinuha nila ang mga lahi sa hilaga at ginawang alipin. Siyempre nasaktan si Jonas kasi patatawarin ang mga taga-Asiria sa ginawa sa kanila.
Pero mas tapat si Jonas sa bayan ng Dios kaysa sa Dios. Mahal ng Dios ang mga kalaban ng Israel at gusto Niyang iligtas ang mga ito. Mahal Niya ang mga kaaway natin at gusto Niyang iligtas sila. Sa tulong ng hangin ng Espiritu sa likuran natin, maglayag tayo patungo sa kanila dala ang Magandang Balita ni Jesus.