Sa pagtatapos ng Paskuwa, isang tradisyon ng mga Judio kung saan pinagdiriwang at inaalala ang kadakilaan ng pagliligtas ng Dios, nakapaikot na nagsasayawan ang mga miyembro ng simbahan. Nasa likod si Barry, nakangiti habang nanonood. Gustung-gusto niya ang mga ganoong okasyon. Sabi pa niya, “Ito na ang pamilya ko ngayon. Nahanap ko na kung saan ako magmamahal at mamahalin... kung saan ako kabilang.”
Noong bata siya, nakaranas si Barry ng malupit na emosyonal at pisikal na abuso, at wala siyang kagalakan. Pero tinanggap siya ng kanyang lokal na simbahan at pinakilala kay Jesus. Nakakahawa ang pagkakaisa at kagalakan nila, kaya nagsimula siyang sundan si Cristo at naramdaman niya ang pagmamahal at pagtanggap.
Sa Salmo 133, gumamit si Haring David ng mapangyarihang mga imahe para ilarawan ang malaking epekto ng “napakagandang” pagkakaisa ng mga mamamayan ng Dios. Sinabi niya na ito ay parang pagbuhos ng mamahaling langis sa isang tao, dumaloy hanggang sa kuwelyo ng damit (Tal. 2). Karaniwan itong gawain noon, minsan bilang pagbati sa pumasok sa isang bahay. Kinumpara rin ni David ang pagkakaisa sa hamog sa bundok, nagdadala ng buhay at pagpapala (Tal. 3).
Naglalabas ng bango ang langis at nagdadala ng halumigmig ang hamog sa tuyong lugar. May magaganda rin na epekto ang pagkakaisa, gaya ng pagtanggap sa mga nag-iisa. Sikapin nating maging isa kay Cristo upang magdulot ang Dios ng mabuti sa pamamagitan natin.