Kahanga-hangang inabot lang si Handel ng 24 araw para isulat ang oratoryong Messiah—ang ngayon ay marahil pinakakilalang komposisyon, tinutugtog nang libong beses kada taon sa buong mundo. Ang rurok ng likhang ito ay ang Hallelujah Chorus.
Habang inaanunsyo ng mga trumpeta ang simula ng koro, nagpatung-patong ang mga boses ng choir habang inaawit ang mga salita sa Pahayag 11:15. “Maghahari siya magpakailanman.” Isa iyong matagumpay na deklarasyon ng pag-asa na makakasama natin si Jesus sa langit magpakailanman.
Marami sa mga salita sa Messiah ay galing sa aklat ng Pahayag, ang sinulat ni apostol Juan tungkol sa pangitain na nakita niya sa bandang dulo ng buhay niya, kung saan inilalarawan ang mga mangyayari sa pagbabalik ni Cristo. Sa Pahayag, tema ang pagbalik sa mundo ng nabuhay muling si Jesus—kung saan magkakaroon ng pagsasaya kasama ng mga awitan (19:1-8). Magdiriwang ang mundo dahil tatalunin ni Jesus ang kapangyarihan ng dilim at kamatayan, at itatatag ang kaharian ng kapayapaan.
Isang araw, mag-aawitan ang mga tao sa langit sa isang nakamamanghang koro, pinapahayag ang karangalan ni Jesus at ang pagpapala ng Kanyang paghahari kailanman (7:9). Hanggang maganap ang araw na iyon, mabubuhay tayo, magtatrabaho, magdarasal, at maghihintay nang may pag-asa.