Bilang hall-of-famer na sportswriter, daan-daang malalaking kaganapan at championships na ang napuntahan ni Dave Kindred, at naisulat din niya ang talambuhay ni Muhammad Ali. Nang magretiro at mainip, nanood siya ng basketball games ng mga batang babae sa isang lokal na eskuwelahan. Hindi nagtagal, nagsulat siya ng mga kuwento tungkol sa bawat laro at inilagay iyon online.
At noong mamatay ang kanyang ina at apo, at magkaroon ng nakakapanghinang stroke ang asawa niya, naunawaan niya na ang koponang sinusundan niya ang nagbigay sa kanya ng layunin at komunidad. Sabi ni Kindred, “Niligtas ako ng team. Naging madilim ang buhay ko ... at sila ang ilaw.”
Paano nangyari na dumepende ang sikat na manunulat sa komunidad ng mga kabataan? Gaya ng pagdepende ng sikat na apostol sa mga nakilala niya sa pagmimisyon. Napansin mo ba ang lahat ng mga taong binati ni Pablo sa mga sulat niya? (Roma 16:3-15). “Kumusta rin kina Andronicus at Junias,” sinulat niya, “mga kapwa kong Judio at nakasama ko sa bilangguan” (Tal. 7). “Ikumusta n’yo rin ako sa minamahal kong kaibigan sa Panginoon na si Ampliatus” (Tal. 8). Bumanggit siya nang mahigit sa 25 na tao lahat-lahat, marami sa kanila ang hindi na ulit nabanggit sa Kasulatan. Kinailangan sila ni Pablo.
Sinu-sino ang mga nasa komunidad mo? Ang pinakamagandang lugar para magsimula ay ang lokal mong simbahan. Mayroon ba doong nagdidilim na ang buhay? Sa pangunguna ng Dios, puwede kang maging ilaw na nagtuturo sa kanila kay Jesus. At pagdating ng panahon, ibabalik nila sa’yo ang pabor.