Nang matapos ang British drama na Line of Duty, napakaraming nanood para malaman kung paano matatapos ang pakikipaglaban ng bida sa mga sindikato. Pero nadismaya sila nang ipahiwatig ng katapusan na mananaig ang masama. “Gusto kong madala sa hustisya ang masasama,” sabi ng isang manonood. “Kailangan namin ng magandang katapusan.”
Minsang naitala ng sociologist na si Peter Berger na gutom ang mga tao sa pag-asa at hustisya—pag-asang isang araw ay matatalo ang kasamaan at ang haharapin ng masama ang mga krimen nila. Ang isang mundo kung saan masasama ang nananalo ay iba sa gusto nating mangyari. Hindi natin napapansin, pero inihahayag ng mga manonood na iyon ang malalim na kagustuhan natin ng isang mundong maayos.
Sa Panalangin ng Panginoon, seryoso si Jesus pagdating sa kasamaan. Hindi lang ito nabubuhay sa pagitan natin at nangangailangan ng kapatawaran (Mateo 6:12), nangangailangan din ng kaligtasan mula rito (Tal. 13). Ang katotohanan ay sinundan ng pag-asa. May isang lugar kung saan walang kasamaan—sa langit—at ang makalangit na kaharian ay darating sa lupa (Tal. 10). Isang araw, makukumpleto ang hustisya ng Dios, at darating ang Kanyang “magandang katapusan,” at permanenteng itataboy ang kasamaan (Pahayag 21:4).
Kaya kapag nananalo ang masama sa tunay na buhay at nadidismaya ka, alalahanin mo ito: hangga’t hindi pa nangyayari ang kalooban ng Dios “dito sa lupa tulad ng sa langit,” palaging may pag-asa—kasi hindi pa tapos ang kuwento.