Para palakasin ang loob ng mga batang nakatira sa mga kalye sa Mumbai, India, gumawa si Ranjit ng isang kanta ng mga pangalan nila. Nag-isip siya ng magandang himig para sa bawat pangalan at itinuro iyon, umaasang magkakaroon ng positibong alaala ang mga bata kaugnay ng itinatawag sa kanila. Nagbigay siya ng regalo ng respeto para sa mga batang hindi madalas marinig ang mga pangalan nila na sinasambit nang may pagmamahal.
Importante sa Biblia ang mga pangalan, sinasalamin niyon ang karakter o bagong tungkulin ng isang tao. Halimbawa, binago ng Dios ang mga pangalan nina Abram at Sarai noong nakipagkasundo Siya sa kanila. Pinangako Niya na Siya ang magiging Dios nila at magiging bayan sila ng Dios. Ang Abram (o “itinaas na ama”) ay naging Abraham (o “ama ng marami”). At ang Sarai (o “prinsesa”) ay naging Sara (o “prinsesa ng marami”) (Tingnan Ang Genesis 17:5,15).
Kasama ng mga bagong pangalan ang pangako na magkakaanak sila. Nang ipanganak ni Sara ang anak nila, natuwa sila at pinangalanan itong Isaac, ibig sabihin “tumawa siya”: Sinabi ni Sara, “Pinatawa ako ng Dios, at kahit sinong makarinig ng tungkol sa nangyari sa akin ay matatawa rin” (Genesis 21:6).
Pinapakita natin ang paggalang sa mga tao kapag tinatawag natin sila sa pangalan nila, at pinapagtibay niyon kung sino sila, ayon sa pagkalikha ng Dios sa kanila. Pinapatibay din niyon ang kakaibang katangian ng tao bilang nilikha ayon sa wangis ng Dios.