Gumawa ng mahirap na pasya ang astronaut na si Chris Ferguson bilang commander ng grupong nakatakdang magpunta sa International Space Station. Pero walang kaugnayan ang desisyong iyon sa mechanics ng flight nila o sa kaligtasan ng mga kasamahan niya. Sa halip ito ay tungkol sa itinuturing niyang pinakaimportante niyang tungkulin: ang pamilya niya. Pinili ni Ferguson na manatiling nasa lupa para makarating sa kasal ng kanyang anak.
Madalas, humaharap tayong lahat sa mahihirap na desisyon—napapaisip tuloy tayo kung ano ba ang pinakaimportante para sa atin. Layunin ni Jesus na sabihin ang katotohanang ito sa mga tagasunod Niya at sa mga nakikinig: ang pinakaimportanteng pasya ay ang pagsunod sa Kanya.
Para maging tagasunod, “hindi dapat unahin ang sarili” (Marcos 8:34). Baka natutukso silang umiwas sa mga sakripisyong kailangan sa pagsunod kay Cristo at sa halip ay susundin ang sariling kagustuhan, pero pinaalala Niya na may kabayaran iyon na hamak na mas mahalaga.
Madalas tayong natutuksong habulin ang mga bagay na tila napakaimportante, pero inaabala tayo niyon sa pagsunod natin kay Jesus. Hilingin natin sa Dios na gabayan tayo sa mga desisyon natin sa hinaharap sa bawat araw, upang matalino tayong pumili at maparangalan natin Siya.