Ayon sa psychologist na si Meg Jay, iniisip natin ang sarili natin sa kinabukasan na para bang isa siyang estranghero. Bakit? Dahil sa tinatawag na empathy gap. Mahirap makisimpatya at magmalasakit sa mga taong hindi natin kilala nang personal—kahit sarili pa natin sa kinabukasan.
Kaya sa trabaho niya, tinutulungan ni Jay ang mga kabataan na isipin ang kanilang sarili sa darating na panahon, at gumawa ng mga hakbang para linangin sila. Kasali rito ang paggawa ng mga aktibong plano, hinahanda ang daan para maabot nila ang mga pangarap nila at patuloy silang umunlad.
Sa Salmo 90, inimbitahan tayong tingnan ang buhay natin hindi sa kasalukuyan, kundi sa kabuuan—hilingin sa Dios na “ipaunawa ... na ang buhay ... ay maiksi lang upang matuto [tayong] mamuhay nang may karunungan” (Tal. 12). Kapag naalala natin na limitado lang ang oras natin sa mundo, maalala natin na kailangang- kailangan nating dumepende sa Dios.
Kailangan natin ang tulong Niya para matutunan kung paano natin hahanapin ang kasiyahan at kagalakan—hindi lang ngayon kundi “habang nabubuhay” (Tal.14). Kailangan natin ang tulong Niya para matutunan nating isipin hindi lamang ang sarili natin, kundi maging ang mga susunod na salinlahi (Tal. 16). At kailangan natin ang tulong Niya para makapaglingkod tayo sa Kanya sa panahon na ibinigay sa atin—habang pinagpapala Niya ang mga gawa natin. (Tal. 17).