Hindi ako umiinom ng kape, pero ang paglanghap sa kape ay nagdadala sa akin sa isang sandali ng pag-iisa at pagkamangha. Noong inaayos ng anak namin ang kuwarto niya, naglagay siya doon ng isang mangkok ng mga butil ng kape para punuin ang silid ng mainit at mabangong amoy. Halos dalawang dekada na ang nakalipas mula nang mamatay si Melissa sa isang aksidente sa edad na 17, pero nasa amin pa rin ang mangkok ng kape. Binibigyan kami niyon ng mabangong pagpapaalala ng naging buhay ni Mel.
Ginamit din ng Kasulatan ang pabango bilang paalala. Tinukoy ng Awit ng mga Awit ang pabango bilang simbolo ng pag-ibig sa pagitan ng isang lalaki at isang babae (Tingnan 1:3, 4:11, 16). Sa Hosea, sinabing ang kapatawaran ng Dios sa Israel ay “hahalimuyak gaya ng kagubatan ng Lebanon” (Hosea 14:6 MBB). At ang pagbuhos ni Maria ng pabango sa paa ni Jesus, na naging dahilan kaya “humalimuyak ang pabango sa buong bahay” (Juan 12:3), ay nakaturo sa mangyayaring kamatayan ni Jesus (Tingnan ang Tal. 7).
Ang ideya ng pabango ay tutulong sa atin para laging isipin ang patotoo natin ng pananampalataya sa mga taong nakapaligid sa atin. Pinaliwanag ito ni Pablo nang ganito: “Para kaming mabangong handog na iniaalay ni Cristo sa Dios, at naaamoy ng mga taong naliligtas at ng napapahamak” (2 Corinto 2:15).
Kung paanong ang amoy ng kape ay nagpapaalala sa akin kay Melissa, nawa ang buhay natin ay gumawa ng mabangong samyo ni Jesus at ng pag-ibig Niya, na magpapaalala sa iba ng pangangailangan nila sa Kanya.