"Mabait sa akin ang nanay mo. Sayang siya ang namatay imbes na ako." Ito ang sabi ng isang kapwa niya may cancer nang namatay ang nanay ko.
“Mahal ka ni nanay. Dasal namin na sana masubaybayan mo ang paglaki ng iyong mga anak.” Nag-iyakan kami at habang hawak ko ang kamay niya, hiniling ko sa Dios na bigyan siya ng kapayapaan sa kanyang pagdadalamhati at nagpasalamat ako sa Dios sa pagkawala ng cancer niya.
Nakatala sa Biblia ang masalimuot na pagdadalamhati ni Job nang mawala sa kanya halos lahat, pati na ang kanyang mga anak. Nagluksa si Job at “nagpatirapa at sumamba sa Dios” (Job 1:20). Galing sa isang pusong basag pero puno ng pag-asa ang pagsuko at pasasalamat niya: “Si Yahweh ang nagbigay, si Yahweh rin ang babawi. Purihin si Yahweh!” (Tal. 21). Kinalaunan, naging mahirap ang pagdadalamhati at paghilom, pero sa tagpong ito nagpuri siya sa Dios at tinanggap ang kapangyarihan at pamumuno Nito sa mga kaganapan sa buhay niya, mabuti man o masaklap.
Inaanyayahan tayo ng Dios na maging totoo, maging sa pagdadalamhati. Kahit na tila walang katapusan ang lungkot, pinaninindigan ng Dios na hindi Siya magbabago kahit kalian. Ito ang nagpapagaan ng damdamin natin at nagbibigay lakas para magpasalamat na kapiling natin Siya.