Sinimulan ang pag-aaral na tinatawag na marshmallow test noong 1972 para suriin ang kakayahan ng mga bata na ipagpaliban ang pagpapasaya sa sarili. Binibigyan ang mga bata ng isang marshmallow at sinasabihang kung hindi nila ito agad kakainin, bibigyan sila ng isa pang marshmallow pagkatapos ng sampung minuto.
Sinusuri dito kung kaya ng mga batang ipagpaliban ang pansariling kasiyahan. Isa sa tatlong bata ang nakapagtitimpi at halos isa sa tatlo rin ang kumain na ng marshmallow sa loob ng tatlumpung segundo!
Marahil hirap din tayong magtimpi sa harap ng mga bagay na nais natin kahit alam nating mas kapakipakinabang sa kinabukasan ang maghintay. Hinihikayat tayo ni Pedro na idagdag sa ating pananampalataya ang iba pang katangian – isa dito ang pagpigil sa sarili (2 Pedro 1:5-6). Hinihikayat niya ang mambabasa at tayo na patuloy pang maging mas mabait, maalam, matiisin, matiyaga, makaDios, mapagmalasakit, at mapagmahal bilang patunay ng ating pananampalataya (Tal. 5-8).
Hindi tayo mas papaburan ng Dios o bibigyan ng puwang sa langit dahil sa mabubuting ugali. Pero pinapakita nito – sa atin at sa ibang tao – na kailangan nating magpigil sa sarili, habang binibigyan tayo ng Dios ng talino at lakas na gawin ito. At binibigyan din Niya tayo ng lahat ng kailangan natin para mamuhay nang maka-Dios sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu (Tal. 3).