Isang pares na alimango ang natanggap ng anak ko para alagaan. Pinuno niyang ng buhangin ang isang tangkeng gawa sa salamin para makakapaghukay at makakaakyat ang mga ito. Sagana rin sila sa tubig, protina, at mga pinagtabasang gulay. Mukang masaya naman sila pero, isang araw, bigla silang nawala. Hinanap namin sila hanggang sa naisip na baka nasa ilalim sila ng buhangin at mananatili doon ng dalawang buwan habang naglalagas ng kanilang exoskeleton.
Lumipas na ang dalawang buwan...at isa pa. Nag-alala ako na baka namatay sila. Sa pagtagal ng paghihintay, lalo akong naging mainipin. Sa wakas nakakita kami ng tanda ng buhay – at sumulpot na nga sila mula sa ilalim ng buhangin.
Nagduda kaya ang mga Israelita kung matutupad pa ba ang pangako ng Dios sa kanila noong bihag sila sa Babilonia? Nawalan kaya sila ng pag-asa at naisip na doon na sila habangbuhay? Sa pamamagitan ni Propeta Jeremias sinabi ng Dios, “Muli kong ipadarama ang pag-ibig ko sa inyo. Tutuparin ko ang aking pangakong ibabalik kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo” (Jeremias 29:1 MBB). At totoo nga, paglipas ng ilang taon, inudyukan ng Dios si Haring Cyrus ng Persia na pauwiin ang mga Israelita para itayong muli ang templo ni Yahweh sa Jerusalem (Ezra 1:1-4 MBB).
Hindi nakakalimot ang Dios kahit mahaba ang paghihintay at para bang walang nangyayari. Habang pinahahaba ng Banal na Espiritu ang pasensya natin, tandaan natin na ang Dios ang Tagabigay ng Pag-asa, Tagatupad ng Pangako, at Siyang may hawak sa hinaharap.