Ginamit ng mangangaral na Ingles na si F. B. Meyer (1847-1929) ang isang itlog para ilarawan ang malalalim na katuruan tungkol sa pananahan ni Cristo sa atin. Sinabi niya na isang maliit na life germ (pinagmulan ng buhay) ang pula ng itlog (fertilized yolk) na lumalaki araw-araw hanggang mabuo ang sisiw sa loob ng itlog. Ganoon din si Jesu-Cristo na nananahan sa atin, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, at babaguhin tayo. Sabi ni Meyer, “Mula ngayon, patuloy na lalaki at lalago si Cristo...at mabubuo sa inyo.
Humingi siya ng paumanhin dahil hindi perpekto ang paglalarawan niya – dahil alam niyang kulang ang mga salita niya para mailarawan ang kamangha-manghang katotohanan ng pananahan ni Jesus sa mga tao sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Pero hinikayat niya ang mga nakikinig na ibahagi sa iba, kahit hindi perpekto ang paglalarawan, kung ano ang ibig sabihin ni Jesus sa sinabing, “Sa araw na iyon ay malalaman ninyong Ako’y nasa Ama, at kayo nama’y nasa Akin at Ako’y nasa inyo” (Juan 14:20 MBB).
Sinabi ito ni Jesus noong gabi ng huling hapunan kasama ang mga kaibigan. Gusto Niyang malaman nila na pupunta at mananahan Siya at ang Kanyang Ama sa mga umiibig sa Kanya at tumutupad sa Kanyang mga salita (Tal. 23). Maaari ito dahil, sa pamamagitang ng Espiritu, nananahan si Jesus sa mga naniniwala sa Kanya, at binabago sila mula sa loob hanggang sa labas.
Paano man ilarawan, nananahan sa loob natin si Cristo, gina- gabayan at tinutulungan tayong lumago at maging katulad Niya.