Taong 1876, sinabi ni Alexander Graham Bell ang kauna- unahang mga salita gamit ang telepono. Tinawagan niya si Thomas Watson: “Watson, pumunta ka dito. Gusto kitang makita.” Medyo paputol-putol at ‘di masyadong malinaw pero naintindihan ni Watson ang sinabi ni Bell. At ito na nga ang naging hudyat ng bagong bukang-liwayway sa komunikasyon ng mga tao.
Nadagdag ang bukang-liwayway ng unang araw sa mundong “walang hugis o anyo” (Genesis 1:2 MBB) nang binigkas ng Dios ang mga unang salita Niyang nakatala sa Biblia: “Magkaroon ng Liwanag” (Tal. 3). Puno ng kapangyarihang makapanlikha ang mga salitang ito. Nagsalita Siya, at nalikha kung ano ang sinabi Niya (Salmo 33:6, 9) . Sinabi ng Dios, “Magkaroon ng liwanag,” at nagkaroon nga.
Agad-agad ang tagumpay ng mga salita Niya – napalitan ng liwanag at kaayusan ang dilim at kaguluhan ng mundo. Liwanag ang sagot ng Dios sa pangingibabaw ng kadiliman. At nang nilikha Niya ang liwanag, “nasiyahan ang Dios nang ito’y mamasdan” (Genesis 1:4 MBB).
Patuloy na nagiging makapangyarihan ang mga unang salita ng Dios sa mga sumasampalataya kay Jesus. Sa araw-araw na bukang-liwayway, tila inuulit sa atin ng Dios ang mga salita Niya para sa buhay natin. Kapag sumuko na ang dilim sa ningning ng liwanag Niya, purihin natin Siya. Alalahanin nating tinawag Niya tayo at tunay na nakikita Niya tayo.