Isa si Thomas Aquinas (1225-1274) sa pinakatanyag na tagapag- tanggol ng mga paniniwala ng Simbahan. Isang mahalagang pamana niya ang kanyang Summa Theologica. Pero tatlongtaon bago siya mamatay, may naging dahilan para isantabi niya ang pagsusulat nito. Nang pinagbubulay-bulayan niya ang sugatan at duguang katawan ng kanyang Tagapagligtas, may nakita raw siyang pangitain na hindi niya kayang tapatan ng salita. “Hindi na ako magsusulat . Dahil sa mga nakita ko, kitang-kitang ko ang kakulangan ng mga sinusulat ko.”
May pangitain rin naman si Apostol Pablo. “Dinala [ako] sa Paraiso. Hindi ko lang alam kung iyon ay isang pangitain o tunay na pangyayari. Tanging Dios ang nakakaalam. Nakarinig [ako] ng mga bagay na hindi kayang ilarawan ng salita at hindi maaaring sabihin ninuman (2 Corinto 12:3-4 MBB).
Nag-iwan sila sa atin ng mga bagay para pagbulay-bulayan natin, mga bagay na hindi kayang basta ipaliwanag ng salita at isip. Dahil sa nakita, nawalan ng pag-asa si Aquinas na maipagpatuloy ang sinusulat sa paraang angkop sa pagbibigay ng Dios ng Kanyang Anak para mapako sa krus at iligtas tayo. Si Pablo naman, nagpatuloy pero sinabi niya na may mga bagay na ‘di kayang ilarawan o tapusin sa sariling kakayahan.
Maraming hirap na pinagdaanan si Pablo sa paglilingkod niya sa Dios (2 Corinto 11:16-33, 12:8-9 MBB). Maaari siyang magbalik-tanaw sa mga ito at makikita niyang sa panahon ng kanyang kahinaan, may kamangha-manghang biyaya at kabutihan na kulang ang salita para ilarawan.