Napuno ang kuwarto sa simbahan ng nakahahawang kagalakan ni Glenda na kagagaling lang sa isang mahirap na operasyon. Nang papalapit siya sa akin para sa nakagawiang batian pagkatapos ng simba, nagpasalamat ako sa Dios sa maraming beses na nakibahagi si Glenda sa pagdadalamhati ko, marahang itinuro sa akin ang tama, at pinagtibay ang loob ko. Humingi pa nga siya ng tawad nung akala niyang nasaktan niya ako. Anuman ang sitwasyon, lagi niya akong inaanyayahang ibahagi nang tapat kung ano ang pinagdadaanan ko at pinapaalalahanan ako na marami tayong dahilan para magpuri sa Dios.
Nanay Glenda ang tawag ko sa kanya. Binalot niya ako sa isang masarap na yakap at sinabing, “Hi, Anak!” Nag-usap kami saglit at nanalangin. Pagkatapos, tulad ng dati, umalis siyang umaawit, at nagpatuloy sa paghahanap ng ibang tao na mabibiyayaan niya.
Sa Salmo 64, hinarap ni David ang Dios dala ang mga reklamo’t alalahanin (Tal. 1). Inihayag niya ang nadaramang kabiguan sa kasamaang nakikita sa paligid (Tal. 2-6). Hindi nawalan ng tiwala si David sa kapangyarihan ng Dios at sa Kanyang mga pangako (Tal. 7-9). Alam niyang isang araw, “Sa gawa ni Yahweh, ang mga matuwid pawang magagalak, magpupuri sila at sa piling Niya ay mapapanatag” (Tal. 10).
Dadaan tayo sa mga paghihirap habang hinihintay natin ang pagbabalik ni Jesus. Pero lagi tayong may dahilan para magalak sa bawat araw na gawa ng Dios.