Hindi maganda ang linggo para kina Kevin at Kimberley. Lumala ang kombulsyon ni Kevin at kinailangan dalhin sa ospital. Dahil sa pandemya, lumalala rin ang pagkabagot sa bahay ng apat na anak na maliliit pa, magkakapatid na inampon nila. Idagdag pa na sa hindi maipaliwanag na pangyayari, hindi makaluto ng ulam si Kimberley mula sa mga bagay na nasa fridge. At bigla rin siyang natatakam sa karot.
Pagkalipas ng isang oras, dumating ang mga kaibigang sina Amanda at Andy - may dalang ulam para kina Kimberly. At may kasamang karot ang hinanda nila para sa pamilya.
Kasabihan ng iba na nasa detalye ang demonyo? Hindi. May kamangha-manghang kuwento sa kasaysayan ng mga Israelita na nagpapatunay na nasa detalye ang Dios. “Iniutos ng Faraon... itapon sa Ilog Nilo ang lahat ng lalaking isisilang ng mga Israelita” (Exodus 1:22) pero may pambihirang detalye ang karumaldumal na pagpatay ng lahing ito. Itinapon nga ng nanay ni Moises ang sanggol niya sa Ilog Nilo pero may balak siya. At mismong anak ng Faraon ang sasagip sa sanggol na gagamitin ng Dios para iligtas ang mga hinirang Niya. Babayaran pa nga ng prinsesa ang nanay ni Moises para alagaan ang sanggol (2:9).
Mula sa umuusbong na bansang Judiong ito ipapanganak ang ipinangakong sanggol na lalaki. Mapupuno ang buhay Niya ng mga kataka-takang detalye. Ang pinakamahalaga, palalayain tayo ni Jesus sa pagkakaalipin sa kasalanan. Kahit pa – o mas lalo na – sa panahon ng hirap at gulo, nasa detalye ang Dios. Sabi nga ni Kimberley, “Dinalhan ako ng Dios ng mga karot!”