Tila mali ang binigay na direksyon ng GPS – pumasok kami sa highway na apat ang lane pero payo agad ng GPS na lumabas at gamitin ang kahilerang kalsada na mas maliit, isang lane lang. “Magtitiwala na lang ako,” sabi ni Dan, at sinunod ang GPS kahit hindi naman matrapik sa highway.
Lumipat kami sa mas makitid na kalsada at makatapos tumakbo nang mga sampung milya, nakita namin na hindi na umaandar ang mga sasakyan sa highway. Ginagawa pala ang isang bahagi nito. Mabilis ang biyahe namin dahil naiwasan namin ang matinding trapik na ito. “Hindi ko makita ang nasa malayo,” sabi ni Dan, pero kaya yan ng GPS. “Na kaya rin ng Dios,” sabi naming dalawa.
Alam ng Dios ang magaganap kaya binigyan Niya ng babala at bagong direksyon ang mga pantas na dumayo mula sa silangan para sambahin ang sanggol na si Jesus na ipinanganak na “Hari ng mga Judio” (Mateo 2:2 MBB). Ayaw ni Haring Herodes ng karibal sa trono kaya nagsinungaling siya sa mga pantas. Pinapunta niya ang mga ito sa Bethlehem at sinabing, “Hanapin ninyong mabuti ang sanggol. Kapag natagpuan ninyo siya, ipagbigay-alam agad ninyo sa akin upang ako man ay pumunta roon at sumamba rin sa kanya” (Tal. 8 MBB). Pero dahil sa babala sa panaginip na huwag bumalik kay Herodes, “nag-iba na sila ng daan pauwi” (Tal. 12).
Ginagabayan din ng Dios ang mga hakbang natin sa paglalakbay sa highway ng buhay. Makakaasa tayong kita ng Dios ang kinabukasan at itinutuwid ang daang tinatahak natin habang nagpapasailalim tayo sa Kaniya (Kawikaan 3:6).