Hiniling ng lider namin na kausapin ko si Karen nang sarilinan. Mugto ang mata at luhaan ang pisngi ni Karen nang makita ko. Apatnapu’t-dalawang taong gulang siya at nais makapag-asawa. May manliligaw – ang boss niya – pero may asawa na. Kinalakihan ni Karen ang malupit na panunukso ng kapatid na lalaki at ang hindi pagpapakita ng pagmamahal ng ama. Maaga niyang nabatid na mabilis siyang maapektuhan ng mga “kilos” ng mga lalaki. Naglagay siya ng limitasyon sa pakikisalamuha niya sa mga lalaki dahil pinapanibago siya ng pananampalataya niya kay Jesus.
Nag-usap kami. Nanalangin. Inamin ni Karen sa Dios ang tuksong nararamdaman, ipinahayag na hindi puwede ang boss niya, at ipinagkaloob sa Dios ang kagustuhang makapag-asawa. Gumaan ang pakiramdam niya pagkatapos nito.
Naalala ko naman ang payo ni Apostol Pablo na pakitunguhan ang bawat isa bilang kapatid sa pananampalataya (1 Timoteo 5:1-2 MBB). Sa mundo nating madalas ituring ang tao bilang bagay at gamit na pampawi ng pagnanasa, matutulungan tayong pakitunguhan ang iba nang wasto at may pag-aalaga kung pamilya ang turing natin sa kanila. ‘Pag mabuti ang samahan, hindi inaabuso at tinutukso ng magkakapatid ang bawat isa.
Dahil hindi kaaya-aya ang naranasang pakikitungo ng mga lalaki sa kanya, kinailangan ni Karen ng makakausap na parang kapatid na lalaki. Isang biyaya ng Mabuting Balita tungkol kay Jesus: binibigyan tayo ng mga bagong kapatid na makakatulong sa atin sa pagharap sa buhay.