Dalawang taon nakulong si Drew dahil sa paglilingkod kay Jesus. May nabasa siyang kuwento ng mga misyunerong buo ang kagalakan kahit noong nakakulong sila pero iba ito sa naranasan niya. Sinabi niya sa asawa na nagkamali ang Dios sa napiling tao para magdusa para sa Kanya. Ang sagot ng asawa niya: “Sa tingin ko tamang tao ang napili Niya. Hindi ito aksidente.”
Tapat ding naglingkod sa Dios ang propetang si Jeremias. Binalaan niya ang mga Israelita na paparusahan ng Dios ang mga kasalanan nila pero hindi ito agad nangyari. Si Jeremias pa nga ang pinaparusahan ng mga lider ng Propeta Juda: binubugbog siya at kinukulong. Sinisi ni Jeremias ang Dios; pakiramdam niya niloko lang siya Nito (20:7) at inakalang hindi tumupad sa salita ang Dios.
“Pinagtatawanan nila ako’t hinahamak, sapagkat ipinapahayag ko ang Iyong salita” (Tal. 8 MBB). Dagdag pa niya, “Sumpain nawa ang araw nang ako’y isilang!” Tanong niya: “Bakit pa ako isinilang kung ang mararanasan ko lamang ay hirap, kalungkutan at kahihiyan habang ako’y nabubuhay?” (Tal. 14, 18 MBB)
Napalaya rin si Drew. Dahil sa hirap na naranasan niya, naintindihan niya na marahil nga pinili siya ng Dios, tulad ni Jeremias, dahil mahina siya. Kung likas silang malakas, siguro inangkin nila ang papuri sa tagumpay nila. Pero dahil sa kahinaan, sa Dios ang punta ng lahat ng papuri sa kanilang pagtitiis (1 Corinto 1:26-31 MBB). Naging daan ang kahinaan para maging kagamit-gamit sa Dios.