Marso 2020, habang inilalakad ni Whitney ang aso niya sa Central Park sa Lungsod ng New York, nakita niya ang mga trak, mga tarpolin, at mga puting tolda na may krus at pangalan ng organisasyong pangkawang-gawa na noon lang niya nakita . Napag-alaman niya na gumagawa ng ospital sa tolda ang grupong ito para sa mga taga-New York na may COVID-19.
Nais rin niyang tumulong. Iba man ang pananampalataya at paniniwala sa pulitika, nagtulungan ang grupo at si Whitney, kasama ang pamilya nito. Sabi niya, “tunay na mabubuti ang mga taong nakita ko.” Hanga rin siya na walang bayad ang “tulong ng mga ito sa bayan niyang matindi ang pangangailangan.”
Matinding pangangailangan, tinugunan: nagtulungan sa paglilingkod maging ang mga taong hindi mo aakalaing magtutulungan. Pagkakataon din ito ng mga sumasampalataya kay Jesus para ibahagi ang liwanag ni Cristo. Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod Niya sa Mensahe sa Bundok: “dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa” (Mateo 5:16 MBB).
Nagniningning sa atin ang liwanag ni Cristo kapag hinahayaan natin ang Banal na Espiritu na gabayan tayong maging maibigin, mabait, at puno ng mabuting salita at gawa (Tingnan ang Galacia 5:22-23). Kung hahayaan nating magningning sa araw-araw nating pamumuhay ang liwanag na natanggap natin mula kay Jesus, napapapurihan rin natin ang ating “Ama na nasa langit” (Mateo 5:16 MBB).