Isang lumang bakal na bilog ang matibay na iniinda ang malupit na taglamig ng Minnesota habang nakasabit sa may pintuan ng bahay sa bukid na pag-aari ng tiyuhin ko. Sa ‘di-kalayuan, may isa pa, nakakabit naman sa kamalig. Nagtatali ng lubid ang tiyuhin ko sa pagitan ng dalawang bilog na ‘yan para kapag malakas ang snow, may makakapitan siya at hindi siya maliligaw kahit mahirap makakita kapag may snow.
Ipinapaalala naman sa akin ng lubid ng kaligtasan ni Tiyo ang paggamit ni Haring David ng mga linya ng tulang Hebreo para sundan ang bakas ng karunungan ng Dios na gumagabay sa landas ng buhay at pananggalang natin laban sa kasalanan at pagkakamali. Sinabi ni David, “Ang mga hatol ni Yahweh ay tunay na makatarungan, patas at walang kinikilingan. Mas kanaisnais pa kaysa pulot ng pukyutan. Ang mga utos mo, Yahweh, ay babala sa Iyong lingkod, may malaking gantimpala kapag aking sinusunod” (Salmo 19:9-11 MBB).
Natutulungan tayong huwag maligaw ng pagkapit natin sa katotohanan ng Biblia sa paliwanag ng Banal na Espiritung kumikilos sa puso natin. Tulong din ito sa pagdedesisyon na napaparangalan ang Dios at kapwa.
Binabalaan tayo ng Biblia laban sa paglayo sa Dios, pinapakita sa atin ang daan pauwi sa Kanya, at tinuturo sa atin ang walang katumbas na pag-ibig ng Tagapagligtas natin at ang biyayang naghihintay sa lahat ng magtitiwala sa Kanya. Lubid ng kaligtasan ang Biblia. Nawa lagi tayong kumapit dito.