Noong 1979 may nahukay ang arkeologong si Gabriel Barkay– dalawang maliit na pilak na balumbon. Taon ang binilang para dahan-dahang buksan ang mga balumbong gawa sa metal. Doon nakita nilang nakaukit ang salitang Hebreo ng pagpapala ng Mga Bilang 6:24-26, “Pagpalain ka nawa at ingatan ni Yahweh; kahabagan ka nawa at subaybayan ni Yahweh; lingapin ka nawa at bigyan ng kapayapaan ni Yahweh.” Ayon sa mga dalubhasa, mula pa noong 700 BC ang mga balumbong ito. At kinikilala itong pinakalumang bahagi ng Biblia sa mundo.
Nakamamangha! Nahukay ito ni Barkay sa isang kuweba sa Libis ng Hinom, na lugar kung saan sinabi ni Propeta Jeremias sa mga taga Juda na doon sila papaslangin dahil sa pagpaslang nila sa mga anak nila para isakripisyo (Jeremias 19:4-6). Lugar ito noon ng kasamaan kaya tinawag ni Jesus ang “Gehenna” (salitang Griyego ng Libis ng Hinom) bilang larawan ng impiyerno (Mateo 23:33 MBB).
Sa lugar na ito, sa panahong inaanunsyo ni Jeremias ang hatol ng Dios sa bayan Niya, may nag-uukit sa pilak na balumbon ng biyaya sa hinaharap. Hindi makakamtan sa panahon nila, pero isang araw – pagtapos ng mga dekada ng pagkaalipin sa Babilonia – lilingapin sila ni Yahweh at bibigyan ng kapayapaan.
Malinaw sa atin ang aral nito. Kahit pa nga nararapat sa atin kung ano ang padating, maaari pa ring kumapit sa pangako ng Dios. Hangad ng puso Niya ang mga iniibig Niya.