Dati ‘di ko kinagigiliwan ang Lunes. Minsan pa nga, pagbaba mula sa tren papunta sa dati kong trabaho, uupo muna ako sa istasyon nang ilang minuto para ‘di agad ako makarating sa opisina. Lumalakas ang kabog ng dibdib ko sa pag-aalalang baka hindi ko matapos ang mga kailangang gawin sa takdang araw at sa pabago-bagong timpla ng ugali ng amo ko.
Hindi madali ang pagsisimula ng bagong linggo ng trabaho para sa iba sa atin. May nalulula sa dami ng gawain at nararamdamang hindi napapahalagahan ang ginagawa nila. Inilarawan ni Haring Solomon ang kabigatan ng pagtatrabaho nang sinulat niyang “Nagpapakapagod at nagpapakahirap nang husto sa mundong ito ang isang tao, ngunit para saan ba ang pagpapagod na ito? Anumang gawin ng tao’y nagdudulot sa kanya ng balisa at hinanakit” (Mangangaral 2:22-23 MBB).
Hindi nagbigay ang matalinong hari ng pangkalahatang lunas para bawasan ang tensyon at gawing mas makabuluhan ang pagtatrabaho. Pero nagbigay siya ng bagong pananaw. Gaano man kahirap ang trabaho, hinikayat niya tayong maghanap ng pakinabang sa trabaho natin, sa tulong ng Dios (Tal. 24). Siguro makikita ito habang tinutulungan tayo ng Banal na Espiritung isabuhay ang pagkatao ni Jesus.
O habang naririnig ang kuwento ng taong nabiyayaan ng Dios gamit ang paglilingkod natin. O sa pag-alala ng katalinuhang bigay ng Dios upang maharap ang isang mahirap na sitwasyon. Hindi man madali ang trabaho natin, pero kapiling natin ang tapat na Dios. Kaya Niyang pagliwanagin kahit ang mapanglaw na araw. Sa tulong Niya, kaya nating ipagpasalamat ang Lunes.