Noong sampung taong gulang ako, nag-uwi ako ng cassette tape na may kanta ng isang bandang Cristiano mula sa kaibigan ko sa grupo ng kabataan sa simbahan. Hindi ito nagustuhan ng tatay kong lumaki sa tahanang Hindu ang paniniwala pero tinanggap na niya ang kaligtasan mula kay Jesus. Mga nakasanayang awit ng papuri sa Dios lang ang gusto niyang pinapatugtog sa bahay.
Pinaliwanag ko na bandang Cristiano naman ang tumutugtog pero ayaw pa rin niya. Hindi nagtagal, pinayuhan niya akong pakinggan ang tugtog nang isang linggo at kilatisin kung nakatulong ito na mas mapalapit ako sa Dios o mas mapalayo. Mainam ang payong ito ni tatay.
May mga bagay sa buhay na malinaw na tama o mali. Pero madalas, nakikipagbuno tayo sa mga bagay na pinagtatalunan kung tama ba o hindi (Roma 14:1-19). Sa pagdedesisyon natin, hanapin natin ang talinong makikita sa Salita ng Dios. Hinimok ni Apostol Pablo ang mga taga Efesong nagtitiwala kay Jesus: “Mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino at hindi tulad ng mga mangmang” (Efeso 5:15).
Tulad ng mabuting magulang, alam ni Pablong ‘di niya magagawang magbigay ng tagubilin sa bawat pagkakataon. Kailangang magamit “nang lubusan para sa mabuti ang bawat pagkakataon, sapagkat puno ng kasamaan ang kasalukuyan,” kaya dapat matuto silang kilatisin at “unawain kung ano ang kalooban ng Panginoon” (Tal. 16-17). Paanyaya ng matalinong buhay na sikaping maging mapag-aninaw at magkaroon ng mabuting desisyon habang ginagabayan tayo ng Dios sa pagsuri sa mga bagay na pinagtatalunan kung tama o mali.