Nagtatrabaho si Amanda bilang bumibisitang nurse na umiikot sa ilang tahanan ng pag-aaruga. Madalas niyang isama si Ruby, ang anak niyang labing-isang taong gulang. Para may magawa, nagsimulang magtanong si Ruby sa mga residente, “Kung puwede kang magkaroon ng kahit anong tatlong bagay, ano ang gusto mo?”

Sinusulat niya sa kwaderno niya ang mga sagot nila. Nakakagulat na maliliit na bagay ang karamihan sa hiling: Vienna sausages, tsokolateng pie, keso, abokado. Lumikom ng pondo si Ruby para maibigay ang mga simpleng hiling. Sinasamahan rin niya ito ng yakap kapag hinatid niya ang regalo. Sabi ni Ruby, “Napapasigla ako nito. Talaga.”

Kapag nagpapakita tayo ng habag at kabutihan tulad ni Ruby, nasasalamin natin ang Dios na “mapagmahal at puno ng habag, hindi madaling magalit” (Salmo 145:8). Kaya hinikayat tayo ni Apostol Pablo na bilang sumasampalataya sa Dios, “maging mahabagin, mabait, mapagpakumbaba, mahinahon, at mapagtiis” (Colosas 3:12). Dahil pinakitaan tayo ng Dios ng awa at habag, natural lang na nais din nating pakitaan ng awa at habag ang kapwa natin.

Dagdag din ni Pablo, “At higit sa lahat, taglayin ninyo ang pagmamahalan, na siyang nagbubuklod sa lahat sa ganap na pagkakaisa” (Tal. 14). At paalala niya sa atin, “gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus,” inaalalang sa Dios nagmumula ang lahat ng mabuting bagay (Tal. 17). Kapag mabuti tayo sa iba, gumagaan ang ating kalooban.