Isang negosyanteng taga California si Frederick Lehman. Isinulat niya ang himnong “Ang Pag-ibig ng Dios” noong 1917, nang nalugi siya sa negosyo. Dahil sa inspirasyon, naisulat niya agad ang unang dalawang saknong, pero nahinto sa pangatlo. Naalala niya ang isang tulang nadiskubre ilang taon na noon ang nakalipas – na inukit ng isang preso sa batong pader ng kulungan nito at nagpapakita ng malalim na kamalayan sa pag-ibig ng Dios. Nasa parehong metro ito ng himno ni Lehman at ginamit niya ito bilang pangatlong saknong ng himno niya.

May panahong humaharap tayo sa matinding paghihirap tulad ni Lehman at ng preso. Sa oras ng kawalang-pag-asa, mabuting gayahin ang salita ng mang-aawit na si David at gawing kanlungan ang lilim ng pakpak ng Dios (Salmo 57:1). Tama lang na tumawag tayo sa Dios at isiwalat sa Kanya ang mga problema natin at mga takot na nararamdaman natin sa piling ng mga mababangis na leon (Tal. 4).

Maaalala natin ang mga pagtustos ng Dios sa atin sa nakaraan at sasamahan si David sa pagsabing, “Purihin Ka at awitan, ng awiting masisigla . Gumising ka, kaluluwa ...tumugtog ka at hintayin ang liwayway ng umaga” (Tal. 7-8).

“Higit na malayo ang pag-ibig ng Dios,” sabi ng himno ni Lehman, “lampas pa sa pinakamalayong tala.” Sa oras ng pinakamatinding pangangailangan, kailangan nating yakapin ang pambihirang pag- ibig ng Dios na “abot sa kalangitan” (Tal. 10).