Mula walong taong gulang, nahirapan na si Lisa dahil madalas siyang mautal-utal, kaya takot siya sa mga pampublikong sitwasyon na kailangan niyang makipag-usap. Kinalaunan, nalampasan niya ang hamon sa tulong ng therapy o pagsasanay sa pagsasalita. Nagdesisyon siyang gamitin ang boses para makatulong. Nagboluntaryo siya bilang tagapayo sa mga may problemang pang-emosyonal na tumatawag sa telepono.

Kinailangan ding harapin ni Moises ang mga alalahanin sa pagsasalita para tulungang makalaya sa pagkabihag ang mga Israelita. Sinabihan siya ng Dios na makipag-usap sa Faraon pero duda si Moises sa kakayahan niyang makipag-usap (Exodo 4:10). Ang hamon ng Dios, “Sino ba ang gumawa sa bibig ng tao?” Sinabi rin ng Dios, “lumakad ka na at tutulungan kita sa pagsasalita at ituturo Ko sa iyo ang iyong sasabihin” (Tal. 11-12).

Paalala ng Dios na kaya Niyang kumilos sa pamamagitan natin kahit sa mga kahinaan natin. Pero kahit alam natin ito sa puso natin, minsan mahirap pa rin itong isabuhay. Nagmakaawa si Moises sa Dios na iba na lang ang isugo kaya pinayagan ng Dios na samahan siya ng kapatid niyang si Aaron (Tal. 13-14).

May boses na makakatulong sa iba ang bawat isa. Marahil takot tayo, o pakiwari natin hindi natin kaya, o hindi alam kung ano ang tamang sabihin. Batid ng Dios ang damdamin natin. Kaya Niyang ibigay ang mga salita at lahat ng kailangan natin para mapaglingkuran ang kapwa at magawa ang mga pinagagawa Niya.