“Nasa isip kita at panalangin.” Siguro napapaisip ka kung totoo ba ang sinasabi kapag narinig mo iyan. Pero kapag si Edna Davis ang nagsabi, hindi na kailangang pag-isipan pa. Alam ng mga nakatira sa maliit nilang bayan, na isa lang ang ilaw trapiko, ang yellow pad niya kung saan nakalista ang mga pangalan nila sa bawat pahina. Ipinagdadasal ni aleng Edna ang mga ito tuwing umaga. Hindi lahat ng nasa listahan nakatanggap ng gusto nilang sagot sa dasal pero may ilang nagpatotoo sa burol ng ale na nagmilagro ang Dios sa buhay nila. Alam nilang dahil ito sa taimtim na dasal ni aleng Edna.

Ipinakita ng Dios ang kapangyarihan sa pagdadasal noong nakulong si Apostol Pedro. Hinuli siya at kinulong ng mga alagad ni Herodes, at “pinabantayan sa apat na pangkat ng tig-aapat na kawal” (Gawa 12:4).

Tila madilim ang hinaharap ni Pedro “subalit (ang kapulungan ng mga nagtitiwala kay Jesus) ay taimtim na nananalangin sa Dios para sa kanya” (Tal. 5). Nasa isip at panalangin nila si Pedro. Naghimala ang Dios: Lumitaw ang anghel, kinalas ang tanikala sa kamay ni Pedro, at sinamahan siya palabas (Tal. 7-10).

Marahil sinasabi lang ng iba ang “nasa isip kita at panalangin” pero ‘di naman totoong ginagawa. Ngunit batid ni Ama ang nasa isip natin, nakikinig sa mga dasal, at kumikilos ayon sa Kanyang kagustuhan para sa kapakanan natin. ‘Di maliit na bagay ang maipagdasal ng iba at ipagdasal ang iba dahil dakila at makapangyarihan ang Dios na pinaglilingkuran natin.