Noong 1941, nabuo sa Unibersidad ng Oxford sa Inglatera ang Grupo ni Socrates para mahikayat ang pagkikipagtalastasan ng mga sumasampalataya kay Jesus at ng mga ateista o mga taong hindi naniniwala sa Dios.
Karaniwan naman ang debateng pangrelihiyon sa sekular na unibersidad, pero ang nakakamangha sa Grupo ni Socrates –naging pinuno nila sa loob ng labinglimang taon ang kilalang iskolar na mananampalataya na si C.S. Lewis. Payag siyang masubok ang paniniwala. Alam ni Lewis na may mapagkakatiwalaan at makatuwirang ebidensya ang paniniwala kay Cristo at kaya nitong harapin kahit malawakang pagsisiyasat.
Sa isang banda, ginagawa rin ni Lewis ang payo ni Apostol Pedro sa mga nagtitiwala kay Jesus na nagkalat sa iba’t ibang lugar dahil sa pag-uusig: “Igalang ninyo si Cristo mula sa inyong puso bilang Panginoon. Lagi kayong maging handang sumagot sa sinumang humihingi ng paliwanag sa inyo tungkol sa pag- asang nasa inyo. Ngunit gawin ninyo ito nang mahinahon at may paggalang” (1 Pedro 3:15-16). Dalawa ang pangunahing puntos ni Pedro: May magandang dahilan ang pag-asa natin kay Cristo at ihayag ito nang “mahinahon at may paggalang.“
Hindi pagtakas o pananaginip nang gising ang tiwala kay Cristo. Batay ito sa katotohanan ng kasaysayan, maging ang muli Niyang pagkabuhay at ang ebidensya ng sangkalikasan na nagpapatotoo sa Manlilikha. Sa kapanatagang dulot ng talino ng Dios at lakas ng Espiritu, maging handa nawa tayong ibahagi ang dahilan ng tiwala natin sa ating dakilang Dios.