Isang gabi ng Hunyo 2021, may ipu-ipong rumagasa sa isang komunidad. Lalong nakakapanlumo na kasama sa nasira ang isang kamalig na nasa lupain na ng isang pamilya mula pa noong dulo ng 1800. Kinaumagahan, nakita nina John at Barb ang pinsalang ito habang papunta sila sa simbahan. Naisip nila kung paano kaya sila makakatulong. Kaya huminto sila para kausapin ang may-ari at natuklasang kailangan ng pamilya ng tulong sa paglilinis. Agad nilang inikot ang kotse para umuwi at magpalit ng damit.

Pagkatapos, bumalik sila agad para tulungan ang pamilyang linisin ang kalat na iniwan ng nakakapinsalang hangin. Pinakilos nila ang pananampalataya nila at naglingkod sa pamilyang nangangailangan ng tulong.

Sabi ni Apostol Santiago, “Patay ang pananampalatayang walang kasamang gawa” (Santiago 2:26). Ibinigay niyang halimbawa si Abraham na sumunod sa utos ng Dios kahit hindi nito alam kung saan siya pupunta (Tingnan ang Genesis 12:1-4, 15:6; Hebreo 11:8). Nabanggit din ni Santiago si Rahab na ipinakita ang tiwala sa Dios ng mga Israelita noong tinago niya ang mga espiya ng Israel na dumating para magmasid sa bayan ng Jerico (Santiago 2:25; Tingnan ang Josue 2; 6:17).

Tanong ni Santiago, “Ano ang pakinabang kung sasabihin ng isang tao na siya’y may pananampalataya, ngunit hindi naman niya ito pinapatunayan sa gawa?” (Santiago 2:14). “Ugat ang pananampalataya; mabuting gawa ang bunga,” sabi naman ni Matthew Henry, “At dapat mayroon tayo niyan pareho.” Hindi kailangan ng Dios ang kabutihan natin, pero pamumuhay natin ang patunay sa pananampalataya natin.