Noong 2010 unang beses pinambayad ng pinamili ang bitcoin (isang digital na pera na maliit na bahagi lang ng isang sentimong dolyar ang halaga bawat isa). 10,000 bitcoin ang bayad ni Laszlo Hanyecz para sa dalawang pizza (25 na dolyar). Sa pinakamataas ng halaga nito noong 2021, lagpas 500 milyong dolyar na ang halaga ng mga bitcoin na iyon.
Noong mababa pa ang halaga, siguro halos 100,000 bitcoin ang naipambili niya ng pizza. Bilyonaryo na sana siya nang makailang-ulit at masasali sa listahan ng “pinakamayamang tao sa mundo” ng Forbes kung itinago lang sana niya ang mga iyon. Kung alam lang niya.
Siyempre hindi naman niya alam kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Wala sa ating nakakaalam kahit pa sinusubukan natin alamin at kontrolin ang hinaharap. Sabi nga sa Mangangaral, “Ngunit sinong makakapagsabi ng susunod na pangyayari at ng magaganap kapag siya ay patay na?”(10:14). Ilan sa atin ang nag-iisip na marami silang alam, o ang mas masama pa, na may espesyal silang kaalaman tungkol sa buhay at kinabukasan ng ibang tao, pero niloloko nila ang sarili nila.
Sa Biblia naman, pinaghambing ang matalino at hangal. Mag- kaiba sila sa pagiging mapagpakumbaba tungkol sa hinaharap (Kawikaan 27:1). Sa pagdedesisyon, kinikilala ng matalino na Dios lang talaga ang may alam kung ano ang nasa hinaharap. Pero inaakala ng hangal na kanila ang kaalamang hindi naman kanila. Maging matalino sana tayo at ipagkatiwala ang kinabukasan natin sa Dios na Siyang higit na nakakaalam sa mangyayari sa ating buhay.