Nasuri ng mga doktor ang apat na taong gulang na si Solomon at nalamang may Duchenne muscular dystrophy ito. Isang lumalalang sakit na sumisira ng kalamnan. Paglipas ng isang taon, kinausap ng mga doktor ang pamilya tungkol sa paggamit ng wheelchair pero ayaw ni Solomon. Ipinagdasal siya ng pamilya at mga kaibigan. Lumikom din sila ng pera para sa isang asong sinanay para makatulong sa may kapansanan. Tutulungan siya ng asong ito na hindi mangailangan ng wheelchair hanggang sa makakaya niya. Ngayon, hinahanda na si Waffles ng Tails for Life para tumulong sa bata. (Sila rin ang nagsanay kay Callie, ang asong tumutulong sa akin.)
Kahit tanggap na ni Solomon na kailangang magpagamot, at minsan pa nga kumakanta siya ng papuri sa Dios, may mga araw na sadyang mas mahirap. Minsan, niyakap ng bata ang ina at sinabing, “Masaya ako na walang Duchenne sa langit.”
Lahat ng tao naaapektuhan ng mapanirang sakit. Pero tulad ni Haring Solomon, may pag-asa tayong hindi nagmamaliw na nagpapatibay sa loob natin lalo na sa mga araw na tila doble ang dinaranas nating hirap. Pangako ng Dios sa atin ang “bagong langit at bagong lupa” (Pahayag 21:1). Maninirahan ang Dios kasama natin at sa piling na natin ang tahanan Niya (Tal. 3). “At papahirin Niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap” (Tal. 4). Kapag pakiramdam mo sobrang hirap o haba ng paghihintay, puwede pa ring mapayapa dahil matutupad ang pangako ng Dios.