Batang-bata pa ako noong sumilip ako sa bintana ng kuwarto ng ospital kung nasaan ang ang mga sanggol na bagong panganak. Unang beses kong makakita ng sanggol na bagong panganak noon at nadismaya ako sa nakita ko – maliit na batang kulubot ang balat, walang buhok. Pero ang ina ng sanggol na nakatayo sa tabi namin ulit-ulit sinasabing “ang ganda niya, ‘no?” Naalala ko ang tagpong iyon nang makapanood ako ng video ng isang ama na inaawitan ang anak na babae ng “Napakaganda Mo.” Para sa tatay na ito, ang anak niya ang pinakamagandang nilikha sa mundo.
Ganyan din ba ang tingin ng Dios sa atin? Sabi sa Efeso 2:10 likha tayo ng Dios, obra maestra Niya tayo. Maaaring hindi madali para sa atin na tanggapin kung gaano talaga tayo kamahal ng Dios at ng halaga natin sa Kanya dahil batid natin ang mga kahinaan at pagkukulang natin. Pero hindi tayo iniibig ng Dios dahil karapat dapat tayo (Tal. 3-4); iniibig Niya tayo dahil Siya ang pag-ibig (1 Juan 4:8). Mahabagin ang pag-ibig Niya at pinakita Niya ang lalim nito nang, sa pamamagitan ng sakripisyo ni Jesus, “tayo’y binuhay Niyang kasama ni Cristo noong tayo’y mga patay pa dahil sa ating pagsuway” (Efeso 2:5, 8).
Hindi pabagu-bago ang pag-ibig ng Dios. Iniibig Niya ang hindi perpekto, sugatan, mga mahihina at mga nagkamali. Kapag nadapa tayo, nandiyan Siya para itayo tayo. Mahalaga tayo sa Kanya at napakaganda natin sa paningin Niya.