Ilang taon na ang nakalipas nang sumikat ang kanta ng isang korong Cristiano na may lirikong “Kasama kong maglakad si Jesus.” May magandang kuwento ang kantang ito.

Sinimulan ng musikero ng jazz na si Curtis Lundy ang koro habang ginagamot sa rehab ang pagkakalulong niya sa droga. Tinipon niya ang mga kapwa adik at humugot ng inspirasyon sa isang lumang aklat ng mga himno. Sinulat niya ang liriko bilang himno ng pag-asa para sa kanilang mga nasa rehab. “Umaawit kami para sa aming buhay,” sabi ng isang kasapi ng koro. “Hiniling namin kay Jesus na iligtas kami sa pagkakalulong sa droga.” Ang isa sa kanila humupa ang sakit na matagal nang nararamdaman nang inawit nito ang kanta. Hindi ito karaniwang pag-awit kundi taimtim na panalangin na tubusin sila.

Nilalarawan ng binasang Salita ng Dios ang karanasan nila. Kay Cristo, “nahayag na ang kagandahang-loob ng Dios na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao” (Tito 2:11). Habang hinihintay natin ang buhay na walang hanggan na kasama sa regalo ng Dios sa atin (Tal. 13), tinuturuan din tayo “na talikuran ang makamundong pamumuhay at damdaming makalaman, at mamuhay tayo sa daigdig na ito nang may pagpigil sa sarili, matuwid at karapat-dapat sa Dios” (Tal. 12, 14). Tulad ng mga kasapi ng koro, hindi lang tayo pinapatawad ng Dios, pinapalaya din Niya tayo mula sa masamang pamumuhay.

Kasamang maglakad ni Jesus ako, ikaw at ang iba pang humihingi ng tulong sa Kanya. At binibigyan Niya tayo ng pag-asa para sa hinaharap at kaligtasan ngayon.