Makalipas ang isang dekada na wala pa ring anak, nagdesisyon kaming mag-asawa na magsimulang muli sa ibang bansa. Namiss ko talaga ang iniwang trabaho sa pagsasahimpapawid ng mga balita at pakiramdam ko para akong naliligaw. Humingi ako ng payo sa kaibigang si Liam.
“Ano na ngayon ang calling ko,” nanlulumo kong sinabi.
“Hindi ka nagsasahimpapawid dito? tanong niya. Hindi na.
“Kamusta ang relasyon ninyong mag-asawa?”
Nagulat ako sa biglang pag-iba ng paksa. Sinabi ko sa kanya na maayos ang relasyon naming mag-asawa. Nakaranas na kami ng mga kabiguan dati at magkasama naming hinarap kaya naging mas matibay ang samahan namin.

Nakangiting paalala ni Liam, “Pagiging tapat sa pangako ang sentro ng Mabuting Balita. Kailangang makakita ang mundo ng mag-asawang tapat sa isa’t-isa! Marahil ‘di mo pa kita ang epekto sa iba ng halimbawa ninyong dalawa – hindi lang ang ginagawa ninyo, kung hindi kung sino kayo.”

Nang nanlumo si Timoteo dahil sa mahirap na sitwasyon, ‘di siya binigyan ni Apostol Pablo ng listahan ng mga layunin sa trabaho. Hinikayat niya itong mamuhay nang kalugod-lugod sa Dios: “sa iyong pagsasalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya at malinis na pamumuhay” (1 Timoteo 4:12). Mas malaki ang epekto sa iba ng buhay na tapat sa Dios.

Madalas gawing sukatan ng halaga ng tao ang tagumpay sa trabaho. Pero ang pagkatao ang higit na mahalaga.