Sumalampak ako sa upuan matapos ang isang linggong puno ng nakakalungkot na resulta tungkol sa aking kalusugan. Ayaw kong mag-isip. Ayaw kong makipag-usap. Hindi ako makapagdasal. Puno ako ng pagdududa at panghihina ng kalooban nang binuksan ko ang telebisyon. Nakita ko sa isang patalastas – isang batang babae na pinupuri ang nakababatang kapatid na lalaki, “Isa kang kampeon.” Habang patuloy niyang pinalalakas ang kalooban ng lalaki, mas lumaki ang ngiti ng bata. Napangiti rin ako.
Madalas ding nakaranas ang mga Israelita ng pagdududa at panghihina ng loob. Gamit ang Salmo 95, na nagsasaad na maririnig ang tinig ng Dios sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, binalaan ng nagsulat ng Aklat ng mga Hebreo ang mga sumasampalataya kay Jesus na iwasan ang mga pagkakamali ng mga Israelita habang paikot-ikot sa disyerto (3:7-11). “Mga kapatid, ingatan ninyong huwag magkaroon ang sinuman sa inyo ng pusong masama at walang pananampalataya, na siyang maglalayo sa inyo sa Dios na buhay. Sa halip, magpaalalahanan kayo araw-araw, habang ang panahon ay matatawag pang “Ngayon” (Heb. 3:12-13).
Sigurado ang pag-asa natin kay Cristo; ito ang langis na kailangan natin para magtiyaga: magpaalalahanan sa isa’t-isa (Tal. 13). Kapag nakakaranas ng pagdududa ang isa, makakatulong sa pagpapalakas ng loob ang iba. Sa tulong ng Dios at sa kalakasang binibigay Niya sa atin na mga anak Niya, maaari nating ihandong sa isa’t-isa ang biyaya ng pagpapalakas ng loob.