Sa paningin ko, tila umaapoy ang Christmas tree – hindi dahil sa karaniwang pampailaw, kundi dahil sa totoong apoy. Naimbitahan ako kasama ang buong pamilya ko sa isang pagdiriwang ng kaibigan ko na tinatawag na tradisyong altdeutsche o ‘ang dating paraan ng Aleman’ na may mga tradisyunal na panghimagas at punong pangpasko na totoong kandila ang ginagamit pampailaw. (Para maging ligtas ang lugar, isang gabi lang may pailaw ang puno.)

Habang nakatingin ako sa punong tila nasusunog, naalala ko ang tagpo ni Moises at ng Dios sa isang mababang punong kahoy. Nag-aalaga ng mga tupa si Moises sa ilang at nagulat siya sa nakita: isang mababang punong kahoy na umaapoy pero hindi naman nasusunog. Nilapitan niya ito para suriin nang tinawag siya ng Dios mula sa punongkahoy. Pinahayag ng Dios kay Moises, nakita ng Dios ang paghihirap ng mga Israelita na inaalipin sa Egipto “kaya’t bumaba Ako upang sila’y iligtas” (Exodus 3:8).

Kailangan rin ng sangkatauhan na iligtas siya ng Dios – ‘di lang sa pisikal na paghihirap kundi pati na rin sa epekto ng kasamaan at kamatayan na nararanasan natin sa mundo.

Makalipas ang ilang daang taon, tumugon ang Dios at pinadala Niya ang Liwanag – ang Kanyang Anak na si Jesus (Juan 1:9-10), isinugo “hindi upang hatulan ng parusa ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan Niya” (Juan 3:17).