Isang Sabado ng umaga, maagang bumangon ang mga anak namin para maghanda ng almusal nila. Pagod kaming mag-asawa buong linggo kaya bumabawi kami ng tulog. Nang umagang iyon, bigla akong napabangon dahil sa malakas na kalabog mula sa baba. Nabasag pala nila ang malaking mangkok na ginagamit nila sa paghahanda ng almusal. Nakita ko ang anak naming limang taong gulang na puspusang pinupunasan ang sahig – pero lalong kumakalat ang malagkit nilang almusal. Gutom sila pero imbes na humingi ng tulong, sinarili na lang nila ang paghahanda ng almusal. Nasayang ang almusal, pati ang mangkok.
Kasama sa buhay ang paglaki ng mga bata mula sa nakaasa sa iba sa pagkatutong tumayo sa sariling paa. Pero kabaligtaran ito sa relasyon natin sa Dios – nagbabago tayo mula sa pag-asa sa sariling kakayahan tungo sa pagtitiwala sa Dios. Sa pamamagitan ng panalangin naipapakita natin ang pagtitiwala natin sa Dios.
Tinuruan ni Jesus ang mga alagad Niya – at tayong mga nananalig sa Kanya – na umasa at humiling sa Dios: “Bigyan Mo kami ng aming pagkain sa araw-araw” (Mateo 6:11). Simbolo ng panustos, kaligtasan, at gabay ang “pagkain” sa talatang iyan (Tal. 11-13).
Ipinagkakatiwala natin sa Dios lahat ng ito at marami pang iba. Hindi nagtatagumpay ang tagasunod ni Cristo gamit ang sariling kakayahan lang. Hindi natin kailangang makagradweyt mula sa biyaya ng Dios. Nawa lagi nating simulan ang araw natin na nakatindig sa pagtitiwala at nananalangin sa Ama nating nasa langit (Tal. 9).