Ilang taon na ang nakalipas nang mangyari ito. May isang lalaki na naglalakad sa unahan ko. Hindi masyadong malapit pero tanaw ko pa ang lalaking maraming dala-dala habang naglalakad. Bigla siyang napatid at nalaglag ang mga dala niya. Tinulungan naman siya ng ilang tao sa paligid na pulutin ang mga nalaglag na gamit. Pero hindi pala nila napansin ang pitaka ng lalaki na nalaglag rin. Pinulot ko ito at dali-daling kong hinabol ang lalaki para maibalik sa kanya ang mahalagang bagay na ito. Sumigaw ako, “Manong! Manong!” Sa wakas naabutan ko siya. Laking gulat at pasasalamat niya nang iabot ko sa kanya ang pitaka niya.
Nung una, nakasunod lang ako sa lalaki, pero kinalaunan hinahabol ko na siya. Sa maraming salin ng Biblia sa Ingles, makikitang ginamit sa Salmo 23:6 ang salitang follow o pagsunod – “Tunay na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin...” Pero mas malalim ang kahulugan ng salitang Hebreo na ginamit para dito – paghabol, pagtugis na katulad sa mga mababangis na hayop na tinutugis ang biktima hanggang sa maabutan.
Hindi lang basta sumusunod sa atin ang kabutihan at pag-ibig ng Dios na parang naglalakad sa parke na walang pagmamadali, direksyon, at layunin. Tunay na sadyang sinusundan at hinahabol tayo. Sa isang banda para rin itong paghabol ko sa lalaki para maibalik ang pitaka niya sa kanya. Parang ganyan din ang paghabol sa atin ng Mabuting Pastol na wagas ang pag-ibig para sa atin (Tal. 1, 6).