Dinala ni Maria ang tanghalian niya sa bakanteng mesa. Nang kakagat na siya sa tinapay, nagkatinginan sila ng isang batang lalaki na nakaupo ilang mesa ang layo sa kanya. Madumi ang damit nito, magulo ang buhok, at may hawak na basong gawa sa papel na walang laman. Halata sa hitsura ng lalaki na gutom siya. Paano makakatulong si Maria? Baka hindi mainam ang magbigay ng pera. Kung bibilhan niya naman ng pagkain ang lalaki, baka mapahiya ito.

Biglang naalala ni Maria ang kuwento ni Ruth kung saan inimbitahan si Ruth, isang dukhang balong dayuhan, ni Boaz na isang mayamang may-ari ng lupain, na doon na lang sa bukirin niya mamulot ng mga nalaglag na tanim. Binilin ni Boaz sa mga manggagawang lalaki: “Hayaan ninyo siyang mamulot kahit sa tabi ng mga binigkis na uhay. Huwag ninyo siyang babawalan. Maglaglag kayo ng mga uhay mula sa binigkis para may mapulot siya” (Ruth 2:15-16). Sa isang kultura kung saan kailangan ng mga kababaihang umasa sa kalalakihan para mabuhay, pinakita ni Boaz ang maibiging pagtustos sa pangangailangan ni Ruth. Kinalaunan, pinakasalan ni Boaz si Ruth, tinubos siya mula sa matinding pangangailangan (4:9-10).

Nang paalis na si Maria, iniwan niya sa isang mesa ang piniritong patatas na hindi niya nagalaw, at nagkatinginan sila ng lalaki. Kung gutom ang lalaki, puwede niyang kunin ang natira ni Maria. Makikita ang puso ng Dios sa mga kuwento sa Biblia na naglalarawan ng malikhaing solusyon para makapagpalakas ng loob ng kapwa.