Nagaganap na ang basketbol ng mga koponan ng mag-aaral sa ika-anim na baitang. Ganado ang hiyaw at palakpak ng mga magulang at mga lolo at lola sa gym sa paaralan. Ang mga nakababatang kapatid naman masayang naglilibang sa pasilyo ng paaralan. Pero nagulat ang lahat nang biglang may malakas na tunog at ilaw na babala. Dali-daling bumalik sa gym ang mga kapatid ng manlalaro, takot na hinanap ang mga magulang nila.
Salamat sa Dios walang sunog – hindi sinasadyang nagalaw ang alarma sa sunog. Sa pagmamasid ko, natuon ang atensyon ko sa kilos ng mga bata. Nakaramdam sila ng peligro kaya dali-daling hinanap ang mga magulang at hindi nag-atubiling yumakap sa kanila. Larawan ito ng tiwala nila sa kung sino ang makapagbibigay sa kanila ng kaligtasan at katiyakan sa panahon ng takot!
Matindi rin ang takot ni David noong tinutugis siya ni Haring Saul at ng iba pang kalaban (2 Samuel 22:1). Pagkatapos siyang iligtas ng Dios, umawit ng pasasalamat si David. Tinawag niyang “matibay na muog,” “kanlungan,” at “kaligtasan” si Yahweh. (Tal. 2-3). Nang pinupuluputan siya ng daigdig ng mga patay at dumaan siya sa patibong ng kamatayan (Tal. 6), tinawag ni David ang Dios at dininig Nito ang kanyang pagsusumamo (Tal. 7). Sinabi rin ni David, “iniligtas Niya ako” (Tal. 18, 20, 49).
Sa panahon ng takot at walang kasiguruhan, mayroon tayong “Tanggulan” (Tal. 32). Ang Dios ang makakapagbigay sa atin ng muog at kanlungang kailangan natin (Tal. 2-3).